Mga sugatang sundalo mula sa Marawi, magpapatakbo ng panaderya
PALAYAN CITY, Nueva Ecija – Ilan sa mga sundalong nasugatan sa pakikipagbakbakan sa 5 buwang digmaan sa Marawi City ang pansamantalang haharap sa mga kalan, imbis na sa kalaban.
Ito ay matapos magdesisyon ang pamunuan ng Hukbong Sandatahan na italaga ang ilang sundalong wounded in action na magsilbi sa “Noble Bakers”, isang panaderia sa loob ng Special Operations Command dito sa probinsya.
“After the Marawi siege, nakita natin marami tayong wounded doon. Ang objective ng Command ay to help the troops na doon sila mag-evolve. Sila ang magpapatakbo ng bakery na sa mga wounded din mapupunta ang kikitain,” ani Maj. Sonny Dungca.
Diretso sa bangko ang kinikita ng Noble Bakers. Ang pondo ay mapupunta sa mga pamiya ng mga sundalong sugatan, sabi ni Dungca.
Sinagot ng Aboitiz Group ang gastos para sa mga equipment at iba pang kasangkapan na gagamitin ng bakery, dagdag ni Dungca.
Isa sa mga itinalagang panaderong sundalo si Sgt. Eric Ubalde matapos siyang mabaril sa binti at tamaan ng shrapnel sa balikat.
“Magaan sa loob ko (ang gumawa ng tinapay) dahil nakakatulong ito sa ibang wounded in action. Nakakapagbigay pa rin ako ng serbisyo,” sabi ni Ubalde sa isang panayam sa ABS-CBN News.
Ayon sa mga sundalong bahagi ng Noble Bakers, patuloy silang pinapaalalahanan ng Hukbong Sandatahan na hindi hadlang ang anumang sugat o kapansanan para makapagbigay serbisyo sa bayan.
Watch the video here.
STORY BY: Noriel Padiernos, ABS-CBN News